Pagbebenta ng imported sugar, pinag-aaralan para mapababa ang presyo sa merkado – SRA

by Radyo La Verdad | March 14, 2023 (Tuesday) | 8136

METRO MANILA – Natataasan parin ang Sugar Regulatory Administration (SRA) sa presyo ng asukal sa merkado.

Base sa price monitoring ng Department of Agriculture (DA) sa ilang palengke sa Metro Manila, umaabot parin sa P110 ang kada kilo sa puting asukal habang hanggang P95 naman ang washed at brown.

Ayon kay Pablo Azcona, ang representante ng sugar planters sa SRA board, bumaba na sa P60 ang benta nila sa kada kilo ng raw sugar mula nang ianunsyo ang sugar importation.

Hinala ni Azcona, posibleng may nagmamanipula sa presyo ng asukal kung hindi ramdam sa mga palengke ang pagbaba ng presyo.

Ayon kay Azcona, posibleng sa susunod na linggo ay payagan na nila na mailabas sa merkado ang bahagi ng mga inangkat na asukal.

Nasa 58,000 metriko tonelada na ang dumating sa bansa sa 440,000 metric tons ang inaprubahang angkatin ng pamahalaan.

Para naman sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), dapat ay P70 lamang ibenta ang imported na asukal.

Mas makabubuti anila kung lagyan ito ng Suggested Retail Price (SRP). Ayon sa DA, isa ang asukal sa nagpapataas ng inflation.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: , ,