Bagaman humingi na ng paumanhin si Quezon City traffic Chief Attorney Ariel Inton sa ginawang pagbasag sa salamin ng isang sasakyan na sinasabing matagal nang nakaparada sa bangketa, maghahain pa rin ng reklamo sa korte ang may-ari ng kotse na Nissan Maxima 1990 ang modelo.
Paliwanag ni Inton, nagkamali siya sa kanyang desisyon na wasakin ang bintana ng sasakyan upang mahatak ng kanilang towing truck. Pero giit ng opisyal, ibinatay lamang niya ang kanyang naging hakbang sa 2004 Quezon City ordinance.
“We might have an error in judgement but definitely ginawa po natin yan because meron po tayong basehan. ‘Yun pong nga bangketa yung mga kalye po natin hindi nyo pwedeng gamiting personal o private gain. Pinapangalagaan lang po natin ang property ng siyudad para ma-enjoy ng mas maraming tao,” ani Atty. Ariel IntoN, QC Traffic Head.
Dagdag pa ni Inton, matagal ng inirereklamo sa kanila ng may may-ari ng mga establisyimento ang naturang sasakyan na matagal nang nakaharang sa bangketa. Pero sa pananaw ng isang legal expert na si Attorney George Erwin Garcia, labag sa batas ang ginawa ni Inton.
Ayon kay Attorney Garcia, paglabag sa right to privacy at property ang paninira ng isang pribadong pagmamayari, kahit pa ginawa ito ng isang opisyal dahil sa pagpapatupad ng batas.
Aniya importante na laging magkaroon ng due process ang mapakinggan muna ang panig ng isang indibidwal kung bakit nito nagawa ang paglabag.
“Kahit pa anong kadahilanan ng ating mga nasa pamahalaan kahit ano pang kagandahan nung kanilang kadahilanan at rason laging sinasabi ng Korte Suprema na sa pagpapatupad ng kapangyarihan ng pamahalaan yung tinatawag na police power kinakailangan there must always be corresponding respect. Pagrespeto doon sa kaparapatan na nakalagay sa saligang batas. Maaring sampahan ng kasong kriminal at administratibo ang sinomang opisyal na lalabag dito,” ayon kay Atty.George Erwin Garcia, legal expert.
Handa naman si attorney inton na harapin ang kasong posibleng isampa laban sa kanya.
(Joan Nano | UNTV News)
Tags: Atty. George Erwin Garcia, Atty. Inton, Quezon City traffic Chief