Postponement ng Brgy. & SK elections, hiniling na madesisyunan ngayong buwan                         

by Radyo La Verdad | August 9, 2022 (Tuesday) | 11983

Tuloy-tuloy ang paghahanda ng Commission on Elections (COMELEC) para sa 2022 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), ito’y ay sa kabila ng ilang inihaing panukalang batas sa kongreso na naglalayong ito’y ipagpapaliban.

Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, hindi sila maaaring makipagsapalaran.

“Alam ko madami na ring panukalang batas na nai-file sa House of Representatives ay hanggang sa kasalukuyan hindi pa sila nagkakaroon ng pagdinig. Kaya po nakapahirap naman sa kalagayan ng COMELEC na maghihintay kami doon sa magiging outcome tapos hindi kami maghahanda,” ani COMELEC Chairman Atty. George Erwin Garcia.

Panawagan ng COMELEC sa kongreso na sana bago matapos ang buwang ito ay magkaroon na ng desisyon tungkol sa panukalang election postponement.

“The most na magkakaroon talaga ng activity na magkakaroon ng mga hearing sa kongreso lalo na patungkol sa postponement kung magka-postponement ay mga second week to the third week mga third siguro ng August  hopefully magkakaroon, that’s why I’m expecting at least may linaw na ipapatawag naman nila kami sigurado,” ayon kay COMELEC Chairman Garcia.

Ngunit tiniyak naman ni Garcia, kahit makabili na ng mga gamit o makapag-print na ng mga balota, magagamit pa rin ito kung sakaling ipagpaliban ang eleksyon.

Inihalimbawa ng komisyon ang nangyari noong May 14, 2018 Barangay at SK elections kung saan ang mga ginamit na balota ay may petsa na October 23, 2017, kaya walang masasayang sa kanilang pondo na aabot sa 8.4 billion pesos.

Ang nagagastos pa lang dito ay nasa mahigit seven hundred thousand pesos para sa maintenance at operating expenses at national conference para sa iba’t ibang workshop na ginagawa ng COMELEC.

“Sisigurahin po namin na ‘yong bibilhin naming mga kagamitan naman ay mga kagamitan na gagamitin sa eleksyon kahit ma-reset ang eleksyon halimbawa sa isang taon hindi rin po masasayang yong lahat ng gagamitin namin. Wala pong masasayang na pondo ng sambayanan dito, ginarantiyahan po namin yan,” dagdag ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia.

Samantala, bukod sa Barangay at SK elections, kasama rin sa pinaghahandaan ng COMELEC ang apat na plebisito bago ang December 5, 2022 BSKE. Kasama na rito ang September 17, 2022 plebiscite para sa conversion ng munisipalidad ng Calaca bilang component city ng Batangas province. Gayundin ang paghahati sa probinsya ng Maguidanao sa dalawang distrito at independent provinces. Lahat naman ng pondo rito ay mula sa  local government units.

(Dante Amento | UNTV News)

Tags: , ,