P255 million bayad sa pekeng claims, hiniling ni dating DPWH Sec. Rogelio Singson – NBI

by Radyo La Verdad | March 22, 2018 (Thursday) | 4014

Lumalabas sa paunang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na nagbayad ang pamahalaan ng 255-million pesos para sa mga pekeng claims sa road-right-of-way sa General Santos City noong 2013.

Pero natuklasan na hindi naman dinaanan ng kalsada ang siyam na mga loteng binayaran ng kompensasyon.

Ayon kay NBI Deputy Director Atty. Antonio Pagatpat, peke ang mga dokumentong ginamit at bogus pati ang mga claimants.

Pero kahit na peke ang mga dokumento, binayaran pa rin ito ng gobyerno dahil mismong si dating DPWH Sec. Rogelio Singson umano ang sumulat sa DBM para mailabas ang pondo.

Kaya’t inirekomenda ng NBI sa Ombudsman na kasuhan ito ng plunder at katiwalian, pati na ang dalawampu pang opisyal ng kagawaran.

Pero aminado ang NBI na wala pang direktang ebidensiya na nagsasabing naibulsa nina SINGSON ang pera.

Dawit din sa reklamong plunder ang umano’y labing-apat na mga miyembro ng kasabwat na sindikato, kabilang ang mga lider na sina Wilma Mamburam at Mercedita Dumlao.

Dati nang sinabi ng testigo ng DOJ na si Roberto Catapang Jr. na aabot sa 8.7 billion pesos ang nakuha ng sindikato mula sa gobyerno.

Inaalam na rin ng NBI kung may dapat panagutan si dating Budget Sec. Butch Abad sa nailabas na mga pondo.

Samantala, nais munang mabasa ni Singson ang reklamo bago siya magbigay ng pahayag tungkol dito.

Patuloy namang iniimbestigahan ng NBI ang nabunyag na anomalya.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

Tags: , ,