Operasyon ng LRT at MRT, hindi maaapektuhan ng isasagawang Metrowide Earthquake Drill bukas

by Radyo La Verdad | July 29, 2015 (Wednesday) | 2731

LRT
Hindi kasama ang mga commuter at ilang empleyado ng MRT at LRT sa isasagawang Metrowide Earthquake drill bukas ng umaga.

Ayon sa pamunuan ng MRT at LRT, mangangailangan ng mas mahabang preparasyon para dito lalo na at napakaraming mga tao ang sumasakay ng tren araw-araw.

Nais sana ng MMDA at NDRRMC na magkaroon ng high angle rescue mula sa ibabaw ng riles ng tren upang ipakita ang pag rescue sa mga stranded na commuter sakaling magkaroon ng malakas na lindol.

Ang LRT Line 2 depot sa Santolan Pasig lamang ang kasama sa apat na lugar na pagdadausan ng drill.

Ang lugar lamang ang gagamitin at hindi kasama sa drill ang mga commuter at mga empleyado.

Ayon sa MRT at LRT nakahanda sila sakaling magkaroon ng malakas na lindol.

Ang mga structure at mga istasyon ng LRT at MRT nakasunod sa building code batay sa international standards.

Ang mga poste ng lrt line 1 at 2 naka disenyo upang matagalan ang lindol na may magnitude 7.4 to 8.2 at ang MRT 3 kaya ring mapaglabanan ang lakas na magnitude 7.2 magnitude.

May mga emergency exit ang lahat ng istasyon ng MRT at LRT.

Sa mga susunod na araw ipopost rin ang mga evacuation map sa lahat ng mga istasyon ng MRT at LRT.

Paalala naman ng pamunuan sa mga aabutan ng lindol sa loob ng tren, manatiling nasa loob at hintaying matapos ang pagyanig, hintayin rin ang instruction mula sa driver ng tren para agad na maisagawa ang pag likas.

Ang mga nasa platform kailangang maghintay rinna tumigil ang lindol bago pumunta sa designated evacuation center sa labas ng istasyon.

Pinagiisipan ngayon ng MRT at LRT na magsagawa rin ng bukod na drill sa mga susunod na buwan.

Inaasahan naman ng Malakanyang ang pakikiisa ng lahat ng mga kawani ng pamahalaan sa gagawing Metrowide Earthquake drill.

Sa inilabas na memorandum circular number 79 ni Executive Secretary Paquito Ochoa, hinihiling nito ang pakikiisa bukas sa earthquake drill ng lahat ng tanggapan ng pamahalaan, kasama rin dito ang Government Owned or Controlled Corporations at Local Government Units.

Inaatasan rin ng Malakanyang ang Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council at Metro Manila Development Authority na magsumite ng ulat sa implementasyon at evaluation sa earthquake drill.

Tags: , ,