NYC nais na maging requirement ang military training sa College at Senior HS

by Radyo La Verdad | July 22, 2022 (Friday) | 2294

METRO MANILA – Hinimok ng National Youth Commission (NYC) si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maglabas ng isang kautusan o Executive Order upang gawing requirement sa kolehiyo at sa Senior High School ang military training.

Nais din ng NYC na isulong ang mandatory scouting program sa mga elementary school, na sinabing ang training ng scout ay makapagtatanim ng pagiging makabayan at makapagtuturo ng disiplina sa mga mag-aaral na kabataan.

Ayon kay NYC Chairman Roland Cardema kailangan ang gayong mga training dahil ang Pilipinas ay laging dinaraanan ng mga bagyo, at laging sinasalanta ng baha, at lindol, at may presensya rin ng communist insurgency.

Binanggit din ni Cardema na noong panahon ni dating Pangulong Marcos Senior, ang mga programa para sa mga kabataan ay binigyan ng prayoridad.

Makatutulong ang mga gayong programa, aniya, para magkaroon ng kahandaan ang mga susunod na henerasyon ng mga kabataang Pilipino na madaling mabigyan ng tungkulin ng pamahalaan para makatulong sa bansa sa panahon ng pangangailangan.

Tags: ,