Nlex-Slex connector target matapos ng DPWH sa 2nd Quarter ng 2021

by Erika Endraca | November 6, 2019 (Wednesday) | 25213

METRO MANILA – Ininspeksyon kahapon (Nov.5)  ni Department of Public Works And Highways DPWH  Secretary Mark Villar ang konstruksyon ng NLEX-SLEX connector sa bahagi ng Grace Park Caloocan City.

Kasabay nito ay iginawad na ng DPWH sa kumpanyang DMCI ang pagpapatayo ng NLEX connector na bahagi ng proyekto.

Isa itong elevated expressway na babaybay mula New Caloocan Interchange sa C3 road sa Caloocan City hanggang sa España sa Maynila. Batay sa plano ng DPWH direkta rin itong iuugnay sa Metro Manila Skyway Stage 3 project sa may PUP Sta.Mesa Sa Maynila.

Sa pagtaya ng ahensya nasa 35,000 mga sasakyan kada araw ang makikinabang kapag natapos ang proyekto. Mapapabibilis nito ang biyahe ng mga motorista mula NLEX hanggang SLEX.

Ayon sa DPWH mula sa dating mahigit 2 oras aabutin na lamang ng halos 20 minuto ang biyahe kapag natapos ang proyekto. Sa ngayon naiayos na ng DPWH ang halos 50% ng right of way issues ng NLEX-SLEX connector.

Isa sa mga dadaanan nito ang bahagi ng Philippine National Railway (PNR) sa may C-3 road. Pero ayon sa management ng PNR, hindi naman ito makaka-apekto sa biyahe ng mga tren. Samantala, target ng DPWH at ng contractor na matapos ang NLEX-SLEX connector sa 2nd quarter ng taong 2021.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: , ,