Nationwide smoking ban, pormal nang ipapatupad sa linggo, July 23

by Radyo La Verdad | July 21, 2017 (Friday) | 6748


May katapat nang parusa simula sa linggo ang mga maninigarilyo sa mga pampublikong lugar.

Bunsod ito ng pormal na pagsisimula ng pagpapatupad ng Executive Order no. 26 o ang nationwide smoking ban.

Bahagi ng paghahanda, nagsagawa ng campaign drive ang Department of Health ngayong araw sa ilang piling pampublikong lugar sa Maynila.

Layon nitong ipaalala sa publiko ang nalalapit na implementasyon nito.

Nakasaad sa EO 26 na dapat magtakda ng isang enclosed area ang isang gusali o establisimento para sa paninigarilyo.

Ayon kay DOH Spokesperson Asec. Eric Tayag, mahigpit na ipinagbabawal ang paglalagay ng smoking area at pagbebenta ng sigarilyo sa center of youth activities gaya ng paaralan at basketball courts.

hindi rin aniya maaaring maglagay ng kani- kaniyang smoking area ang mga restaurant at coffee shops na nasa loob ng mall dahil kailangang iisa lang ang itatakda sa bawat establisyimento.

Inaasahan din ng DOH na nag-organisa na ng smoke free task force ang mga pamahalaang lokal upang mag-monitor sa mga pampublikong lugar.

Ayon sa DOH, ang mga LGU ang magtatakda ng multa sa mga mahuhuling lalabag sa smoking ban batay sa kanilang City ordinaces.

May itinakdang hotline din ang DOH sa numerong 02-711-1002 para maaksyunan ang violators.

Binigyang-diin din ng DOH na saklaw din ng eo ang mga public at private vehicle drivers.

Samantala, bukas din ang 24/7 quitline ng doh para sa mga nais nang itigil ang kanilang paninigarilyo.

(Aiko Miguel / UNTV Correspondent)

Tags: , ,