National government, nangako ng tulong sa mga mangingisdang apektado sa pang-aangkin ng China sa mga teritoryo sa West Philippine Sea

by Radyo La Verdad | July 14, 2015 (Tuesday) | 2839

ZAMBALES FISHERMAN
Pangingisda ang pangunahing hanapbuhay ng mga residente sa Zambales.

Araw-araw, nasa isang libong mangingisda sa bayan ng Masinloc ang pumapalaot sa kalapit na Scarbourough Shoal dahil sagana ito sa yamang-dagat.

Subalit mula nang angkinin ng China ang Scarborough Shoal at iba pang teritoryo sa West Philippine Sea, nahirapan na silang manghuli ng isda dahil hina-harass sila ng Chinese Coast Guard.

Ginagamitan rin sila ng water cannon upang mapaalis sa lugar.

Bunsod nito, umapela ng tulong sa pamahalaan ang mga mangingisda dahil apektado na ang kanilang mga kabuhayan.

Sa isang pulong kasama si Interior and Local Government Sec. Mar Roxas, nangako ang kalihim ng tulong sa mga mangingisda habang dinidinig pa sa United Nations Arbitral Court ang petisyon ng Pilipinas kontra China.

Bagamat hindi binanggit ni Sec. Roxas kung anong uri ng tulong ang ibibigay ng pamahalaan, sinabi ng kalihim na maaaring lumapit ang mga mamalakaya sa Department of Social Welfare and Development, Trade and Industry, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at DILG upang magkaroon ng alternatibong pagkakakitaan.

Tags: , ,