Mga lalabag sa ipinatutupad na SRP, papatawan na ng parusa – Sec. Piñol

by Radyo La Verdad | November 9, 2018 (Friday) | 6062

Nagpakalat ng mga tauhan ang National Food Authority (NFA) ngayong araw para mag-ikot sa mga palengke sa Metro Manila, labing limang araw mula ng ilunsad ang suggested retail price (SRP) sa bigas.

Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, agad na bibigyan ng written warning ang retailer na lalabag sa SRP at kung uulitin ito ay papatawan na ng parusa sa ilalim ng Price Act.

Ayon sa kalihim, maaaring makulong ng mula 4 na buwan hanggang 4 na taon o magmulta ng 2 libo hanggang 1 milyong piso ang retailer, depende sa bigat ng nagawang paglabag.

Isa sa pinuntahan kanina ay ang Trabajo Market sa Maynila kung saan kapansin-pansin na maayos at color-coded ang mga karatula.

Ang kulay puti ay ang regular at well-milled rice na nasa P40-44 ang kada kilo; ang yellow ay ang premium rice na nasa 45-47 piso; habang ang blue naman ay ang special rice na walang SRP.

Bawal na rin ngayon ang paglalagay ng mga pangalan ng bigas na gaya ng Sinandomeng, Double Diamond at Super Angelica dahil wala naman talagang ganitong klase ng bigas ayon sa kalihim.

Ayon naman sa mga retailer, naninibago sa sistema ang mga mamimili.

Bumaba naman anila ng 100 hanggang 150 piso ang kada sako ng bigas dahil nagbaba na rin ng presyo ang mga trader na kanilang kinukunan.

Ayon kay Piñol, nakikipag-ugnayan na rin sila sa Philippine National Police (PNP) para masamahan ang kanilang mga tauhan na mag-iikot sa mga palengke.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,