Mga kaanak ng SAF 44, patuloy na naghahanap ng hustisya para sa mga nasawing kamag-anak

by Radyo La Verdad | January 26, 2018 (Friday) | 18837

Inalala kahapon ng sambayanang Pilipino ang kabayanihan ng 44 na miyembro ng PNP-Special Action Force na nasawi sa bakbakan sa Tukanalipao Mamasapano, Maguindanao noong January 25, 2015.

Isang Wreath Laying Ceremony ang isinagawa sa Regional Headquarters ng Police Regional Office nine sa Zamboanga City bilang pag-alaala sa Saf 44.

Ipinagpapasalamat naman ng kaanak ng Gallant 44 ang pagbibigay ng kahalagahan ni Pang. Rodrigo Duterte sa mga ito partikular na ang pagdedeklara sa January 25 bilang Day of National Remembrance.

Ngunit sa kabila ng pagpupugay at pag-alaala ng buong bansa sa Gallant 44, nais pa rin ng kanilang mga naiwang mahal sa buhay na makamit ang hustisya.

Nangako naman si Pangulong Rodrigo Duterte ng hustisya para sa mga naulila ng Fallen SAF 44.

Sa pahayag ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, nangako umano ang Pangulo na aalamin ang katotohanan sa pumalyang operasyon.

Samantala, nasawi naman sa isang pagsabog sa La Paz, Abra si Police Officer 3 Carlos Bocaig, ang isa sa mga SAF Trooper na nakaligtas sa Mamasapano encounter.

Nasawi rin ang isa pang pulis habang dalawampu’t tatlo naman ang nasugatan kabilang si Mayor Menchi Bernos at asawang si Congressman Joseph Bernos.

Sa initial na report ng La Paz PNP, nangyari ang pagsabog  habang nanood ang mga biktima ng fireworks, nang biglang may naghagis ng granada sa stage kung saan naroon ang mga biktima.

 

( Dante Amento / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,