Mga kaanak ng biktima ng lumubog na MV Princess of the Stars, sumisigaw pa rin ng hustisya malakipas ang 10 taon ng trahedya

by Radyo La Verdad | June 22, 2018 (Friday) | 6322

Sariwa pa rin sa ala-ala ni Mang Francisco ang trahendyang kaniyang naranasan nang lumubog ang MV Princess of the Stars noong ika-21 ng Hunyo 2008, sampung taon na ang nakalilipas; isa lang siya sa mga pinalad na nakaligtas.

Kwento niya, habang unti-unting lumulubog ang barko isa lang daw isa lang daw ang nasa isip niya, ang kaniyang pamilya.

Bitbit naman ni Josephine ang litrato ng kanyang mag-ama. Hindi na nagawang makaligtas ng mga ito matapos umanong ma-trap sa loobang bahagi ng lumubog na barko.

Hustisya naman ang sigaw ni Aling Melinda na namatayan ng 15 kaanak sa nangyaring trahedya.

Nasa walongdaan ang nasawi sa paglubong ng MV Princess of the Stars sa kasagsagan ng Bagyong Frank sa San Fernando Romblon. Marami pa sa mga ito ang hindi na na-recover pa ang mga labi.

Hanggang ngayon ay wala pa ring pinal na desisyon sa kaso ng mga biktima laban sa Sulpicio Lines.

Una nang nagdesisyon ang Manila RTC na dapat bigyan ng Sulpicio Lines ng tig 200 libong piso ang kada pamilya ng biktima bilang danyos sa insidente.

Subalit iniakyat ng Sulpicio Line ang kaso sa Court of Appeals (COA) na hanggang ngayon ay wala pang desisyon.

10 taon na ang nakalipas, hustisya pa rin ang sigaw ng mga kaanak ng nasawi at hindi raw sila titigil hanggang hindi nabibigyan ng katarungan ang pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

Tags: , ,