Ipinahukay na kahapon ni Ozamiz Police Director Chief iInspector Jovie Espenido ang isa pang lugar sa barangay Capucao C. na umanoy ginawang tapunan ng mga pinapapatay ng mga Parojinog.
Nakaabot na sa 4-feet ang nahukay ng mga police ng pansamantala itong maabala dahil nasira ang gamit na backhoe.
Ngunit nang ituloy ito matapos ang ilang oras at makaabot na tatlumpung talampakan ang hukay ay dito na tumambad sa mga pulis ang ilang hinihinalang mga buto ng tao at iba’t-ibang gamit gaya ng mga wallet, tsinelas at damit.
Sa taya ng PNP, buto ng 4 hanggang 5 tao ang kanilang nahukay. Dadalhin nila ito sa medico legal upang lubusang masuri.
Ayon kay Espenido, batay sa ulat na kaniyang natanggap ay nasa labindalawang tao ang ibinaon sa lugar na ito sampung taon na ang nakalipas.
Nananawagan naman ang Ozamiz Police Chief sa mga pamilyang posibleng naging biktima ng mga Parojinog.
(Weng Fernandez / UNTV Correspondent)