Malakanyang, pinawi ang pangamba ng ilan hinggil sa usapin ng revolutionary government

by Radyo La Verdad | December 1, 2017 (Friday) | 3415

Naalarma si Vice President Leni Robredo sa mga ulat na mismong ilang tauhan ng pamahalaan ang nanghihikayat sa publiko na sumama sa mga pagtitipon upang ipanawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte na ideklara na ang pagtatatag ng isang revolutionary govenrment.

Ayon sa pangalawang Pangulo, posibleng mapanagot sa batas ang mga nakikibahagi sa pagsusulong ng revolutionary government.

Ayon pa sa bise presidente, kung totoo ang nasabing ulat, isa itong kakatwang bagay dahil mismong tauhan ng pamahalaan ang nag-aalsa laban sa gobyernong kanilang kinakatawan. Hindi naman nababahala ang mga organizers ng pro revolutionary government rally sa pahayag ng pangalawang pangulo.

Subalit pinanghahawakan naman ni Robredo ang binitawang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi ito magdedeklara ng revolutionary government.

Matatandaang ilang beses nang nabanggit ng punong ehekutibo na ayaw niya sa revolutionary government. Subalit mapipilitan aniya siyang ideklara ito kung tuluyang maisasapanganib ang estado at ang taumbayan.

Ayon naman kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, walang dapat ikabahala ang publiko dahil mismong ang punong ehekutibo na ang tumapos sa usaping ito.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,