Malakanyang, nanawagan sa mapayapang kilos-protesta ngayong araw

by Radyo La Verdad | November 30, 2017 (Thursday) | 3602

Muling binigyang-diin ng Malakanyang na ayaw ni Pangulong Rodrigo Duterte ang revolutionary government.

Gayunman, ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, di naman ito ang dahilan upang pigilan ng pamahalaan ang mga kilos-protestang nakatakda ngayong araw upang ipanawagan sa punong ehekutibo na ito’y ideklara.

Kaalinsabay nito, hiniling naman ng Malakanyang sa mga nakikibahagi sa mga demonstrasyon na gawing mapayapa at maayos ang kanilang mga rally.

Ginarantiya rin ng pamahalaan ang maximum tolerance ng mga tauhan ng pulisya habang nagbabantay sa seguridad ngayong holiday.

Samantala, sa isang panayam kay Vice President Leni Robredo, nagpahayag ito ng pagkaalarma sa ulat na mismong ilang tauhan pa ng gobyerno ang nagsusulong ng revolutionary government.

Dagdag pa niya, posibleng magkaroon ng pananagutan sa batas ang mga nagsusulong at nakikibahagi rito dahil maituturing na pag-alsa laban sa pamahalaan at konstitusyon ang kanilang ginagawa.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,