Makokolektang buwis mula sa tax reform, isusulong na mailaan sa free college, public transport at health services

by Radyo La Verdad | August 17, 2017 (Thursday) | 3364

Ilang kasunduan sa pagitan ng ilang senador at economic managers ng Duterte administrastion ang isinasapinal kasabay ng pagsusulong sa pagpapasa ng kontrobersyal na tax reform package.

Ayon kay Senate Committee on Ways and Means Chair Senator Sonny Angara, nais nila na mailaan sa mahahalagang programa na direktang makakatulong sa mahihirap ang makokolektang dagdag pondo mula sa reporma sa pagbubuwis.

Sa pagpapasa ng free college law, namomroblema rin ang mga mambabatas kung saan huhugutin ang 20 billion pesos para sa implementasyon ng libreng matrikula.

Sa pagtaya ng Deparment of Finance, aabot sa 134 billion pesos ang makokolektang buwis sa unang implementasyon ng reporma sa pagbubuwis. Sa ngayon ayon sa kalihim, may nabuo na silang kasunduan ukol dito.

Ayon sa senador, bukas ang Department of Budget and Management at Finance Department sa naturang panukalang kung ito na may sunset provision o may limitadong panahon upang mailaan naman ito sa infrastructure projects ng pamahalaan.

 

(Nel Maribojoc / UNTV Correspondent)

Tags: , ,