Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakipagkita sa kaniya ang mga magulang ni Carl Angelo Arnaiz. Si Carl ang 19 na taong gulang na dating estudyante ng UP Diliman at sinasabing biktima ng police shootout sa Caloocan City.
Ginawa ng punong ehekutibo ang pahayag nang pangunahan nito ang pagdiriwang sa ika-60 anibersaryo ng Social Security System kahapon. Iniutos ng Pangulo kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre na tutukan ang kaso ni Arnaiz.
Tanging hustisya ang hiling ng mga magulang ni Carl at una nang nangako ang pamahalaan ng impartial investigation sa kaso. Nagbigay naman ng katiyakan ang Pangulo na hindi nito kukunsintihin ang sinumang tauhan ng pulisya at militar na mapapatunayang sangkot sa extrajudicial killings.
Kasabay nito ay muling binigyang-diin ng Pangulong di niya pahihintulutang masira ang kinabukasan ng mga susunod na henerasyon dahil sa iligal na droga.
(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)
Tags: Carl Arnaiz, duterte, Malakanyang