Lt. Col. Espenido, inilipat ni Pang. Duterte sa Bacolod City para tugisin ang mga drug offender

by Radyo La Verdad | October 18, 2019 (Friday) | 6587

Hindi pinalampas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkakataong magbitiw ng matinding babala laban sa mga ninja cop o mga pulis na sangkot sa operasyon ng iligal na droga kabilang na ang pagre-recycle ng mga nakukumpiska nilang ipinagbabawal na gamot.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa gitna ng mga negosyante sa 45th Business Conference and Expo sa Maynila kagabi.

“You know, kayong mga ninja, kayong mga holdaper, kayong mga drug pusher, akala ninyo kayo lang ang matigas because you think that you have a monopoly of evil in this country. Well, i think you are — that’s a very stupid paradigm because I can be evil like you and more than if I want to be,” pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Bukod dito, inihayag din ng Pangulo kung bakit inilipat niya sa Bacolod City ang police officer na si Lieutenant Colonel Jovie Espinido.

 “Hindi nila binilang ang Davao, Bacolod is badly hit now and I placed Espenido there. ‘Yung tinatakutan nila na pulis. Sabi ko, “go there and you are free to kill everybody.” T*** i**** ‘yan. “Go, start killing them.” Ako nang — dalawa na tayong pa-preso,” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Matatandaang inalis sa pwesto ng Pangulo ang dating Bacolod City of Police Chief Senior Supt. Francis Ebreo at iba pang police officers noong Enero dahil umano sa pagkakasangkot sa operasyon ng iligal na droga.

Samantalang kontrobersyal naman si Espinido dahil siya ang hepe ng pulisya sa Albuera Leyte at Ozamiz City kung saan ang mga Alkalde nitong sina Rolando Espinosa, Sr. at Reynaldo Parojinog ay kapwa napaslang sa mga police anti-drug operations noong 2016 at 2017.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,