Labanang Senate-Judiciary, muntik nang mauwi sa overtime; OP Executives, wala pa ring talo sa UNTV Cup EFO

by Radyo La Verdad | May 5, 2023 (Friday) | 8714

METRO MANILA – Hindi tumalab sa Office of the President Executives ang mga inihandang plano ng Ombudsman Graftbusters sa mas umiinit na sagupaan sa UNTV Cup Executive Face Off elimination round.

Sa mabagal na pacing ng ball game, humataw sa opensa ang Executives upang ibaon ang Graftbusters subalit nakakayanan nitong bumangon upang itabla ang ball game.

Dahil sa dedikasyon ng OP na pangalagaan ang malinis na record ay umabante ang kanilang lamang hanggang matapos ang ball game sa final score na 65-56.

Dahil sa panalo ay nakuha nina Franz Joseph Alvarez (18 pts., 29 rebs., 1 stl., 2 ast. & blk.) at Marvin Joseph Bayang (21 pts., 3 rebs., 2 asts., 1 stl.) titulong best players of the game.

Natunghayan ang tambalang Senators Bong Go at Joel Villanueva para sa Senate Sentinels kaharap sina Supreme Court Associate Justice Midas Marquez at Court of Appeals Associate Justice Ronaldo Martin ng Judiciary Magis upang magtunggali sa isang makapigil-hiningang ball game.

Dikdikang sagupaan ang ipinakita ng 2 koponan sa tindi ng determinasyong manalo ngunit pagpatak ng ilang segundo sa last quarter, bigong maipasok ng Magis ang importanteng 3-point shot na magdadala sana sa overtime kung kaya’t naiuwi ng Senado ang panalo sa final score na 72-69.

Dahil sa outstanding performance nina Senator Christopher “Bong” Go (20 pts., 3 rebs., 1stl.) at Rey Malaga (17 pts., 14 rebs., 3 stls., 2 ast. & blk.) ay nakamit ng 2 ang best players ng laro.

Samantala, dahil sa mga impresibong panalo ng Office of the President ay nananatili pa ring undefeated ang koponan na may record na 3-0 samantalang 2-1 record naman ang inilista ng Senate upang ma-solo ang ikatlong puwesto ng team standings.

(Judren Soriano | La Verdad Correspondent)

Tags: