Judiciary Magis, pasok sa 9th UNTV Cup Finals; NHA, naitabla ang semifinal series

by Radyo La Verdad | May 11, 2023 (Thursday) | 8654

METRO MANILA – Pinigilan ng NHA Home Masters na matapos ang kanilang semifinal run matapos itabla sa 1-1 serye kontra AFP Cavaliers sa Game 2 ng best-of-three series ng UNTV Cup Semifinals.

Sa pagtatapat ng 2 koponan sa Novadeci Convention Center, Novaliches, Quezon City nitong May 7, pumabor sa Cavaliers ang momentum ng ball game dahilan upang lumamang ng double digits, ngunit ipinakita ng Home Masters ang tibay at tatag ng koponan nang makabawi at maipasok ang lead-changing free throws ni best player Marvin Mercado (24 pts., 10 rebs., 2 asts., 2 stls. & blk.) sa 1:19 minuto at ni Alvin Vitug sa nalalabing 18 segundo ng fourth quarter na nauwi sa final score na 75-73.

Sa ikatlong pagkakataon ay umabante na sa finals ang 2-time champion Judiciary Magis nang tapusin ang kampanya ng PNP Responders sa kartadang 2-0.

Hindi sapat ang bantay-saradong depensa ng PNP kay Chester Tolomia ng Magis upang mabaligtad ang ball game dahil sa team effort ng Judiciary na pinangunahan ni Warren Ybañez (8 pts., 3 rebs., 12 asts.,) upang mag-iwan ng 15-point lead sa pagtunog ng final buzzer sa score na 76-61.

Dahil sa panalo ng Magis, maghihintay na lamang ang koponan kung sino ang makakatunggali sa finals mula sa magiging resulta ng do-or-die game ng NHA at AFP sa parating na May 21 sa Paco Arena, Manila.

(Judren Soriano | La Verdad Correspondent)

Tags: