Judiciary at AFP, inilista ang 1-0 UNTV Cup S9 Semifinal series kontra PNP at NHA

by Radyo La Verdad | May 5, 2023 (Friday) | 7340

METRO MANILA – Inunahan ng two-time champion, Judiciary Magis ang Season 5 champion, PNP Responders na itala ang unang panalo sa best of three series sa pagpapasimula ng semifinals ng UNTV Cup Season 9 sa Paco Arena, Manila.

Mula sa commanding lead ng Responders sa pagtatapos ng halftime sa score na 41-37, umarangkada na ang Magis pagsapit ng second half at naiuwi ang 1-0 kartada sa final score na 74-65.

Itinanghal na best players sa naturang ball game sina Chester “The Elevator” Tolomia na tumikada ng double-double performance (23 pts., 11 rebs., 2 asts., 3 stls., 1 blk.) at Richard Litonjua (12 pts., 3 rebs., 1 ast. & blk.).

Kailangan naman ng NHA Home Masters na maitabla sa 1-1 ang semifinal series matapos gibain ng three-time champion AFP Cavaliers.

Mula nang lumamang ang Home Masters sa 4:58 ng second quarter sa iskor na 29-28, nagpasimula nang umigting ang opensa ng Cavaliers hanggang tumunog ang final buzzer sa score na 91-79.

Pinangalanang best player si Darwin Cordero ng AFP na tumikada ng 21 pts., 4 rebs., at 1 ast. & stl.

Dahil sa panalo ng Judiciary at AFP ay malalaman sa May 7 sa Novadeci Convention Center, Quezon City ang magiging resulta kung maitatabla ng PNP at NHA ang serye o magtatapat ang 2 koponan sa Season 9 Finals.

(Judren Soriano | La Verdad Correspondent)

Tags: