Korte Suprema, pinababa ang standards sa pagdedeklara ng martial law – Rep. Zarate

by Radyo La Verdad | July 26, 2017 (Wednesday) | 2694


Mula ng maitatag ang 1987 Constitution, dalawang beses pa lang nagamit ang martial law provision nito.

Una nagpatupad nito ay si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa Maguindanao noong 2009 matapos maganap ang Maguindanao massacre at pinakahuli ay ang pagpapatupad ng martial law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa buong Mindanao.

Subalit patuloy na iginigiit ng grupong bayan muna na walang sapat na basehan ang martial law declaration ni Duterte.

Kaya para sa mambabatas pinababa ng Korte Suprema ang standard o pamantayan sa pagdedeklara ng martial law matapos pawalang saysay ng hukuman ang mga petisyon na kumukwestyon dito.

Dismayado rin ang mambabatas dahil hindi aniya nasunod ang probisyon ng batas na dapat ay nagkaroon ng joint session ang Kongreso para pag-aralan kung dapat bang aprubahan ang pagpapatupad ng pangulo ng batas militar.

Giit din ng kongresista kahit nagkaroon naman ng joint session ang kongreso para talakayin ang hiling na extension ng martial law, hindi rin aniya sapat ang inilaang panahon para ito ay mapag-usapan.

Subalit aminado ang mambabatas na kahit igiit nila ang pagtutol laging nauuwi sa numero ang usapan kapag pinagbobotohan na ang mga tinatalakay na usapin sa Kongreso.

(Victor Cosare / UNTV Correspondent)

Tags: , ,