Kompensasyon sa mga naapektuhan ng bird flu outbreak sa Pampanga, tapos ng ipamahagi

by Radyo La Verdad | September 6, 2017 (Wednesday) | 1974

Tuloy- tuloy pa rin ang ginagawang hakbang ng gobyerno upang matulungan ang mga poultry farmer sa Pampanga na makabangon sa kanilang malaking pagkalugi.

Ito’y matapos ang halos isang buwan nang ideklara ang bird flu outbreak sa probinsya.

Noong Lunes ay natapos na ang pamamahagi ng kompensasyon sa mga naapektuhang poultry farmer mula sa 1-km quarantine zone hanggang 7 kilometer controlled area.

Sa bayan ng San Luis, 421,132 fowls ang kabuoang isinailalim sa culling operation.

Maliban sa poultry farms binigyan rin ng kompensasyon ang mga backyard farms na sumunod sa culling operations ng pamahalaan. Binigyan rin ng tig lilimang libong piso ang mga trabahador ng mga poultry.

Magugunitang sinabi ni Agriculture Secretary Manny Piñol na hindi pa rin papayagan na magpalaki ng mga alagang ibon ang mga apektadong lugar sa loob ng tatlong buwan bilang bahagi ng disinfection process.

Gayunman gumawa na rin ng programa ang DSWD upang matulungan ang mga Kabalen na pansamantalang walang pinagkakakitaan.

 

(Leslie Huidem / UNTV Correspondent)

 

Tags: , ,