Naghahanda na ang binuong Consultative Committee ni Pangulong Rodrigo Duterte na magre-review sa 1987 contitution. Pamumunuan ni dating Supreme Court Chief Justice Renato Puno ang komite.
Ayon sa dating punong mahistrado, agad silang mag-uumpisa ng trabaho pagkatapos na manumpa sa Pangulo sa ikalawang linggo ng Pebrero.
Kabilang naman sa mga miyembro ng komite sina dating Senate President Aquilino Pimentel Jr., former Supreme Court Associate Justices Antonio Nachura, Bienvenido Reyes at iba pa.
Noong December 2016, naglabas ng Executive Order Number 10 si Pangulong Duterte na nag-uutos na bumuo ng isang Consultative Committee na mag-aaral, magsasagawa ng konsultasyon, at ire-review ang mga probisyon ng Saligang Batas hinggil sa istruktura, at kapangyarihan ng pamahalaan, local governance at mga polisiyang pang-ekonomiya.
Mayroon itong anim na buwan upang magsumite ng kanilang ulat, rekomendasyon at proposal sa punong ehekutibo.
Ayon sa Pangulo, kinakailangang amyendahan o baguhin ang saligang batas ng bansa upang magbigay-daan sa pagkakaroon ng federal form of government.
Ayon naman kay Senate President Aquilino Pimentel III, nakahanda silang tanggapin ang magiging rekomendasyon ng kumite.
Kahit na nagsasagawa narin ng pagdinig ang senado kaugnay sa pagbabago sa konstitusyon.
Samantala, inilunsad ng PDP Laban Federalism Institute ang isang aklat na naglalaman ng bersyon ng federalismo na isinusulong ng partido.
Isa rin ito sa mga materyales na isusumite sa Consultative Committee.
( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )
Tags: Consultative Committee, duterte, Pebrero