Batay sa pinakahuling datos ng Department of Health, simula January hanggang October ngayon taong nasa halos dalawamput-limang libo na ang kabuoang kaso ng Human Immuno Deficiency Virus o HIV sa Pilipinas.
Ngayon lamang Oktubre, nasa mahigit anim na raang indibidwal ang nagpositibo sa HIV at nasa limampu na ang namamatay dahil dito.
Mas mataas ito ng dalawamput-isang porsyento kung ikukumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Naitala ang pinakamataas ng kaso ng HIV sa National Capital Region na umabot sa dalawang daan at limamput-walo.
Sinusundan ito ng Region IV-A na may mahigit sa isang daang kaso, habang ang iba naman ay naitala sa Region III, Region VII, Region VI, Region XI, at iba pang bahagi ng bansa.
Mula sa mahigit anim na raang bagong kaso nito Oktubre, dalawamput-siyam na porsiyento nito ay mga kabataan na may edad kinse hanggang bente-kwatro anyos atang karamihan ay mga lalaki.
Dahil dito, mas paiigtingin pa ng DOH ang mga programang isinusulong ng kagawaran upang mapigilan ang lalo pang pagdami ng kaso ng HIV.
Sa isinagawang forum ngayon myerkules ng mga doktor kasama ang ilang ahensya ng pamahalaan, Civil Society Groups, at Non-Government Organizations, nagkasundo ang grupo na magsagawa ng mas malawak na information campaign kontra HIV.
Isa ang Department of Education sa magiging katuwang ng DOH sa pagsusulong ng mga programa laban sa HIV.
Pinag-aaralan na rin ng DOH ang planong pagtuturo sa mga eskwelahan ang mga bagay ukol sa HIV lalo na ang panganib na maaring idulot nito.
Ngunit aminado ang DOH na hindi magiging madali ang implementasyon nito.
Bukod sa pinalawak na information campaign, mas malaking budget rin ang inilaan ng ahensya sa susunod na taon para sa pagbuo ng mga mekanismong makatutulong upang mapigilan ang lalo pag pagdami ng posibleng mahawa ng sakit.
Muli ring iginiit ng kagawaran ang kahalagahan ng voluntary screening sa mga pampublikong ospital upang maagapan ang pagkalat ng sakit.
Ayon sa DOH,hindi dapat na ikahiya ang pagpapasuri dahil muling siniguro ng mga ito na mananatiling confidential ang resulta ng eksyaminasyon na gagawin sa bawat pasyente.
Para sa mga nais na kumonsulta, magtungo lamang sa pinakamalapit na pampublikong ospital para sa free screening ng HIV. (Joan Nano/UNTV News)