Nasa bansa ngayon ang Indonesian lawyer ni Mary Jane Veloso para mangalap ng mga ebidensyang posibleng magamit sa ikalawang apela sa kanyang kaso.
Nakipag-pulong sa DOJ Special Task Force si Attorney Rudyantho bilang bahagi ng paghahanap ng paraan para maisalba si Mary Jane sa parusang kamatayan.
Kabilang sa mga impormasyong kinakalap ng Indonesian Lawyer ang reklamong isinampa ng mga complainant laban sa umano’y recruiter ni Veloso na si Maria Kristina Sergio.
Nais rin ng abogado na malaman ang tunay na pangyayari sa Kuala Lumpur, Malaysia kung saan ibinigay kay Veloso ang maletang naglalaman ng heroin bago ito pinabiyahe pa-Indonesia
Nananawagan sa pamahalaan ng Pilipinas ang National Union Of Peoples Lawyers o NUPL na pursigihin na maibalik sa bansa si Mary Jane Veloso.
Si Veloso ang Pilipinang nahatulan ng parusang kamatayan sa Indonesia dahil sa drug trafficking.
Ang NUPL naman ang tumatayong abogado ng pamilya Veloso dito sa Pilipinas.
Mahigit isang taon na mula nang ipagpaliban ng Indonesia ang execution kay Veloso upang bigyan daan ang mga kasong illegal recruitment at human trafficking na isinampa nito sa kanyang mga recruiter sa Pilipinas.
Kaunay nito ay nanawagan ang NUPL sa pamahalaan na pabilisin ang paglilitis sa mga kaso ni Veloso.
Muli ring hiniling ng grupo na buksan ang pakikipag usap sa Indonesia na mabigyan ng clemency si Veloso batay sa humanitarian grounds.
(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)
Tags: Mary Jane Veloso, pagpapauwi sa bansa, Pamahalaan ng Pilipinas
Pansamantalang ipagpapaliban ng Indonesian Government ang execution sa mga bilanggo nito na nasa deathrow.
Ayon kay Indonesia Presidential Chief of Staff Luhut Panjaitan, ito ay dahil kailangan muna umanong mag-concentrate ng bansa sa pagpapa unlad sa ekonomiya nito.
Magandang balita ito ayon kay Deparment of Foreign Affairs Assistant Secretary Charles Jose lalo na at kabilang si Mary Jane Veloso sa nasa deathrow dahil sa drug trafficking.
Matatandaang inaresto si Veloso sa Yogyakarta airport noong 2010 matapos makunan ng 2.6 kilogram na heroin sa kanyang bagahe.
Unang nabigyan ng temporary reprieve mula sa execution si Veloso nitong abril sa pakiusap ng Philippine government upang bigyang daan ang imbestigasyon hinggil sa pagiging biktima umano nito ng illegal recruiter.
Tags: deathrow, Deparment of Foreign Affairs Assistant Secretary Charles Jose, illegal recruiter, Indonesian Government, Mary Jane Veloso, Yogyakarta airport
Tuloy ang pagbasa ng sakdal sa mga recruiter ng Pinay OFW na si Mary Jane Veloso para sa kasong human trafficking sa darating na Miyerkules, November 11, sa ganap na alas dyes ng umaga.
Ito’y makaraang hindi katigan ni Judge Nelson Tribiana ng Baloc Nueva Ecija RTC Branch 37 ang motion for bill of particulars na inihain ng abogado ng mga akusadong sina Maria Cristina Sergio at Julous Lacanilao.
Hinihiling sa naturang mosyon na linawin ng prosecution ang mga detalye ng kaso kung paanong ne-recruit, pinangakuan ng trabaho at ibyenahe patungong Malaysia si Veloso.
Ngunit ayon sa korte, nasagot na ang hinihinging detalye ng mga akusado sa isinumiteng comment at opposition ng prosecution.
Una nang ipinagpaliban mg korte ang arraignment noong September 18 dahil sa mosyon ng mga akusado.
Ayon naman sa abogado ni Veloso na si Atty.Edre Olalia, taktika lamang ito ng abogado ng depensa upang maantala ang paglilitis.
Samantala, itutuloy din sa Miyerkules ang pre-trial para sa mga kasong illegal recruitment at estafa na isinampa ni Veloso laban kina Sergio at Lacanilao.(Roderic Mendoza/UNTV Correspondent)