METRO MANILA – Muling bubuksan ang ilang cash lane sa mga toll plaza ng NLEX para sa mga motorista na wala pa ring RFID o may problema ang sticker.
Sa pahayag na inilabas ng NLEX Corporation, inianunsyo nito na ibabalik ang ilang cash lanes alinsunod sa naging pakikipagusap sa Toll Regulatory Board (TRB).
Layon nito na maiwasan ang pagtukod ng mahabang traffic dahil sa sinasabing problema sa RFID system, kung saan may ilang stickers umano ang hindi binabasa ng scanner, habang ang iba naman ay kulang sa load.
Bukod sa pagbubukas ng cash lanes, ililipat na rin ng NLEX management ang mga RFID installation at reloading sites malayo sa mga toll plaza.
Mananatili ring nakataas ang mga barrier sa mga toll gate upang maiwasan ang abala sa mga motorista.
Noong B iyernes (Dec. 11) ay personal na nag-inspeksyon sa NLEX sila MMDA General Manager Jojo Garcia at Caloocan City Mayor Oca Malapitan.
Habang nakausap na rin nila ang samahan ng mga mayor sa Bulacan at naiprisinta na ang mga naiisip nilang solusyon sa problema.
Muling binigyan-diin ng NLEX na kaisa sila ng pamahalaan upang maresolba ang problema sa traffic sa Metro Manila at hindi na maka-ambag pa ng perwisyo sa mga motorista.
Sa isang pahayag sinabi naman ng TRB na batay sa direktiba ni Transportation Secretary Arthur Tugade iko-convert ang lahat ng emergency lane sa cash o RFID Lane para mas maraming motorista ang mapagsilbihan sa mga toll plaza.
Dahil dito makakadaan na rin sa iba pang mga lanes ang mga ambulansya, law enforcement at emergency vehicles. Inaasahang mabubuksan ang cash lanes sa NLEX anomang araw ngayong Linggo.
(Joan Nano | UNTV News)