Hospital arrest sa Reyes brothers, haharangin ng DOJ

by Radyo La Verdad | September 28, 2015 (Monday) | 2676

JUSTICE-SECRETARY-LEILA-DE-LIMA
Mahigpit na tututulan ng Department of Justice ang plano ng magkapatid na Reyes na magpa-hospital arrest habang nililitis sa kasong murder.

Kasalukuyang nakapiit sa Puerto Prinsesa City Jail ang dalawa matapos maaresto sa isang resort sa Phuket, Thailand noong September 20.

Bagamat ang korte ang magdedesisyon kung papayagan ito, sinabi ni Sec. Leila de Lima na tiyak na haharangin nila ito sa panig ng prosecution.

Marami namang ordinaryong bilanggo na talagang may karamdaman ngunit hindi nabibigyan ng ganitong pagtrato.

Hindi rin isinasantabi ng DOJ ang posibilidad na susubukang makapagpyansa ng magkapatid na Reyes kahit pa non-bailable ang hinaharap nilang kaso.

Ngunit kailangan aniyang patunayan ng mga ito na mahina ang ebidensiya laban sa kanila.

Ipipilit din ng DOJ na matuloy na ang pagbasa ng sakdal sa magkapatid sa darating na biyernes matapos itong ipagpaliban nitong lunes ng umaga.

“On the part of the prosecution, i-insist talaga yan na matuloy na ang arraignment. so kung merong mang moves on the part of the counsels para ma-derail, ma-delay o ma-postpone ang arraignment, our guidance to the prosecutor is that i-oppose din” Pahayag ni Justice Secretary Leila de Lima

Ayon pa sa kalihim, hindi rin maaaring idahilan ang desisyon ng Court of Appeals upang patigilin ang paglilitis sa kaso.

Magugunitang pinawalang bisa at idineklara ng C-A na illegal ang pagbuo sa ikalawang panel ng DOJ na nagsampa ng kaso laban sa magkapatid na Reyes. ( Roderic Mendoza / UNTV News)

Tags: , ,