Manila, Philippines – Nakatakdang magsagawa ng kilos protesta ang Bagong Alyansang Makabayan o Bayan sa Biyernes, Mayo 17 upang kwestyunin ang resulta ng 2019 midterm elections.
Tinuligsa ni Renato Reyes, secretary-general ng Grupong Bayan ang naging pahayag kahapon ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na dahil sa “Duterte magic” kaya karamihan ng mga ininderso ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagka-senador ay tumungtong sa top 12 ng partial, unofficial results ng halalan. Dahil dito, hindi aniya maituturing na katiwa-tiwala ang election result.
Ayon kay Reyes, kabilang sa tinawag na “Duterte magic” ang umano’y paggamit ng government resources upang paboran ang administration bets, pagtarget at panghaharass umano ng armed forces of the Philippines at Philippine National Police sa mga oposisyon at progresibong grupo, pag-kontrol umano’y sa comelec at dayaan sa automated polls, martial law sa Mindanao at government-sponsored disinformation.
Suportado ni Reyes ang naging pahayag ni Neri Colmenares, na isa sa mga senatorial aspirant at dating bayan muna representative na di niya tatanggapin ang pagkatalo sa eleksyon dahil sa umano’y bulok na sistema ng halalan at tuloy aniya ang kaniyang laban.
Inaasahan naman na ng malacañang ang ganitong reaksyon ng left-leaning party-list groups. Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, ang pagkatalo nila sa eleksyon ay patunay na di naniniwala ang taumbayan sa kanilang mga adbokasiya.
Wala rin aniyang patunay ang mga alegasyon ni Reyes na kontrolado ng administrasyon ang comelec gayong marami sa mga commissioner nito ay appointees ng administrasyong Aquino.
Umaasa naman ang palasyo na matatanggap ng mga tulad ni Reyes ang kanilang pagkatalo. Bukod dito, nanawagan din ito sa oposisyon, mga kritiko at naninira sa administrasyon na igalang ang desisyon ng mayorya at makipagtulungan na lamang sa ikaaangat ng pamumuhay ng mga Pilipino.
(Rosalie Coz | Untv News)
Tags: 2019 midterm elections, Bagong Alyansang Makabayan, kilos-protesta