Mga pulitikong nagbigay ng suporta sa NPA noong halalan, iimbestigahan ng PNP

by Erika Endraca | May 23, 2019 (Thursday) | 30235

Manila, Philippines – Kinumpirma ni PNP Chief PGen. Oscar Albayalde na may hawak na silang impormasyon sa mga pulitikong nagbigay ng suporta sa New People’s Army(NPA) nitong nakalipas na halalan.

Ayon sa hepe ng pambansang pulisya, magsasagawa sila ng validation at imbestigasyon hinggil dito.

Tumanggi naman ang ahensya na pangalanan ang mga pulitikong kasama sa kanilang listahan.

Noong 2016 national elections at 2018 barangay elections, higit 300 pulitiko ang tinukoy ng Department of Interior and Local Government (DILG) na nagbigay ng suporta sa npa gaya ng pagkuha ng permit to campaign.

Ang permit to campaign ay binabayaran ng mga pulitiko sa mga rebeldeng komunista upang makapangampanya sa mga lugar na impluwensiyado ng mga ito.

“Unang una meron tayong national task force sa ngayon to end insurgency so kasama yan sa aming legal offensive those who give support dito sa mga tinatawag naming enemies of the state.” ani PNP Chief, PGen. Oscar Albayalde.


Tags: , , ,