Grupo ng mga guro, muling iginiit na huwag gawing mandatory ang election duties

by Radyo La Verdad | January 7, 2016 (Thursday) | 1045

AIKO_TINIO
Apat na buwan bago ang National elections, umaasa ang alliance of concerned teachers na maisasabatas pa rin ang panukala na hindi na mandatory sa mga guro na magserbisyo sahalalan.

Ayon kay Rep. Antonio Tinio kahit gawing voluntary na lamang ang election duties para sa mga public school teachers hindi pa rin magkukulang ang mga guro na tutulong sa COMELEC sa pangangasiwa sa halalan.

Pasado na sa mababang kapulungan ng kongreso ang panukala na gawing voluntary na lamang ang pagseserbisyo ng mga guro sa halalan bilang board of election inspectors.

Nakabinbin naman sa plenaryo ng senado ang katulad na panukalang batas.

Naniniwala si Tinio na may sapat pang panahon upang maisabatas ang panukala bago mag-eleksyon.

Parehong namang pabor ang Department of Education at COMELEC sa panukala.

Una nang sinabi ng DepEd na hindi kukulangin ng mga gurong aaktong beis sa halalan dahil 300 libo lamang sa mahigit na 600 libong public school teachers sa buong bansa ang kakailangang magtrabaho para sa halos 100 libong clustered precincts.

Samantala wala namang matatanggap na dagdag na honoraria ang mga gurong magseserbisyo sa halalan.

Mananatiling 4,500 pa rin ang benepisyong matatanggap ng mga beis.

Katwiran ng poll body wala silang pondong nakalaan upang itaas ang honoraria ng mga guro.

Ngunit sa Resolution Number 10031 ng COMELEC 30 milyong piso ang inilaang pondo ng komisyon bilang kompensasyon sa mga tauhan nito pati ang ibang empleyado ng gobierno kasama ang AFP at PNP na masasawi, masusugatan o magkakasakit sa pagtupad ng kanilang trabaho sa halalan.

(Victor Cosare / UNTV Correspondent)

Tags: , ,