GCQ with Heightened Restrictions, ipinatutupad sa Abra, Baguio City at Bohol; Ilocos Norte, sasailalim sa GCQ

by Erika Endraca | September 24, 2021 (Friday) | 27563

METRO MANILA – Bahagyang hinigpitan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang pinaiiral na community quarantine sa ilang probinsya sa bansa.

Kabilang dito ang Abra, Baguio City at Bohol na isinailalim sa General Community Quarantine with heightened restrictions mula sa dating klasipikasyon na Modified General Community Quarantine o (MGCQ).

Ang Ilocos Norte naman, niluwagan na sa GCQ mula sa Modified Enhanced Community Quarantine o (MECQ).

Epektibo ito simula ngayong araw (September 24) hanggang katapusan ng Setyembre.

Sa ilalim ng GCQ with heightened restrictions, 20% venue o seating capacity ang pinahihintulutan sa indoor dine-in services samantalang 50% naman sa al-fresco o outdoor dine-in services.

30% seating capacity naman para sa beauty salons, beauty parlors, barbershops, at nail spas.

At ang outdoor tourist attractions namans, papayagan ang 30% venue capacity at dapat panatilihin ang pagsunod sa minimum public health standards.

Sa religious gatherings naman, maaari ang 10% venue capacity at maaari itong palawigin ng mga lokal na pamahalaan sa 30%.

Ang mga establishment naman na may safety seal certifications, maaari pang dagdagan ng 10% seating capacity.

Bawal naman ang meetings, incentives, conventions and exhibitions events and social events sa venue establishments gayundin ang indoor sports courts at venues at indoor tourist attractions.

Samantala, ang Metro Manila naman ay nananatiling nasa ilalim ng Alert Level 4 na may kasamang granular lockdowns.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , , , , ,