Gabinete ni Pang. Duterte, hindi sangkot sa panunuhol – Malacañang

by Radyo La Verdad | February 9, 2019 (Saturday) | 50859

Manila, Philippines – Inakusahan ni House Appropriations Committee Chair Congressman Rolando Andaya si Budget Secretary Benjamin Diokno ng “bribery”.

Pahayag ni Andaya, sinubukan umano ni Diokno na alukin sila ng P40 billion kapalit ng kanilang katahimikan ukol sa isyu ng kahina-hinalang P70 billon insertions sa 2019 Proposed National Budget.

Mariin namang itinanggi ng huli ang akusasyon. Pahayag ni Diokno walang basehan ang paratang sa kanya ng Mambabatas.

Samantala, sinuportahan naman ng Malacañang ang panig ng Kalihim. Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, bagama’t itinuturing nilang seryoso ang alegasyon ni Andaya at nararapat ring sagutin ito ng nasasangkot point by point nananatili pa rin ang tiwala ng Pangulo kay Budget Secretary Diokno.

Nanindigan din ang Malacañang na walang panunuhol na nagaganap sa mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Duterte.


“We in the Cabinet certainly and in the administration of President Duterte, we do not resort to things like bribing so mabigat ‘yung mga akusasyon. I hope it can be addressed immediately.” ani Nograles.

Bukod pa rito, tiniyak din ng Malacañang na ang aaprubahang pambansang pondo ng Pangulo ay pork barrel-free matapos ang panawagan ni Senator Panfilo Lacson sa Punong Ehekutibo na gamitin nito ang Line-item Veto Power dulot ng Pork Insertions ng mga Mambabatas.

“Everything is legal here, because obviously the last thing we would want anyone to do is to question it before the Supreme Court and we want this budget clean and we want this budget implemented” dagdag pa ni Nograles.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , , ,