Makabayan bloc, tinutulan ang red tagging ni Pang. Duterte na anila’y delikado at ‘act of desperation’

by Radyo La Verdad | March 31, 2022 (Thursday) | 15958

Pinaboran ng Pang. Rodrigo Duterte si National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Spokesperson Lorraine Badoy sa  pag-red tag sa ilang partylist organization sa recorded Talk to the People ng Pangulo kagabi (March 30).

“Ang problema they are supporting or they are really parang legal fronts ng communist party of the Philippines itong ulitin ko, Kabataan, Anakpawis, Bayan Muna, Alyansa of Concerned Teachers (ACT), and Gabriela,” pahayag ni Pang. Rodrigo Duterte sa kanyang Talk to the People.

Nanawagan rin ang Pangulo na huwag iboto ang mga naturang partylist groups.

Mariin namang tinutulan ng mga miyembro ng Makabayan bloc ang red tagging na ito ng Pangulo.

“Feeling namin nagpa-panic na ang kasalukuyang administrasyon dahil lumalakas ang oposisyon,” ayon kay Rep. Arlene Brosas, Gabriela partylist.

“Mali at mapanganib ang red tagging, tumitindi ang atake sa oposisyon lalo na ngayong eleksyon,” pahayag ni Rep. Sarah Jane Elago, Kabataan partylist.

Ayon naman kay Bayan Muna partylist Representative Carlos Zarate, taktika rin ito ng administrasyon para lumihis sa mga isyung kinakaharap ng bansa tulad ng problema sa pandemya at patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

“Itong red tagging na ito ay act of desperation in fact with tactic din para ilihis ang mamamayan sa tunay na isyu,” ani Rep. Carlos Zarate, Bayan Muna partylist.

Inamin naman ni ACT teachers partylist representative France Castro na nagdudulot ng takot sa kanilang mga tagasuporta ang pagsasabing konektado sila o legal front sila ng komunistang grupo.

“So nagkakaroon ito ng takot sa aming constituents basically mga potential voters namin ‘yan,” sinabi ni Rep. France Castro, Act-Teachers partylist.

Giit ng mga mambabatas, hindi na bago ang isyung ito at wala umanong matibay na basehan ang red tagging ng administrasyon.

Nel Maribojoc | UNTV News

Tags: ,