Foreign Currency Digital Adjustment, hindi na pababayaran sa mga kustomer ng Manila Water

by Radyo La Verdad | November 16, 2021 (Tuesday) | 7701

METRO MANILA – Epektibo na simula November 18, 2021 ang pag-aalis ng Manila Water sa Foreign Currency Digital Adjustment (FCDA) sa babayarang bill ng mga kustomer nito.

Nakapaloob ito sa Revised Concession Agreement sa pagitan ng gobyerno at ng East Zone Concessionaire.

Ang FCDA na sinisingil ay 0.84% ng kabuuang basic charge at sa oras na inalis ito, maaaring mabawasan ang total weighted average tariff kasama ang VAT ng ₱0.32 at magiging ₱38.33 na lang ito kada cubic meter.

Samakatuwid, maaaring makatipid ang mga residente ng halos ₱6 kapag kumokonsumo ng 30 cubic meters. ₱7 naman ang mababawas sa mga semi-business customers na kumokonsumo ng 30 cubic meters at samantalang ₱1 naman ang matatapyas kapag 10 cubic meters ang nagamit na tubig.

Ginagamit ang FCDA sa epekto ng paglakas o paghina ng palitan ng piso kontra sa salapi ng ibang mga bansa.

Tiniyak naman ng nasabing water concessionaire na hindi nito maaapektuhan ang kanilang magiging kita kasunod ng hakbang na ito.

(Judren Soriano | La Verdad Correspondent)

Tags: , ,