Pormal nang sinampahan ng kasong kriminal ng US Department of Homeland Security si Felina S. Salinas, ang kasamahan ng religious leader na si Apolo Quiboloy nang maharang ito sa Hawaii noong nakaraang linggo.
Ayon sa isinampang reklamo ni Immigration and Customs Enforcement Special Agent Anne Mylene Haney, kabilang sa nag-inspeksyon sa eroplanong sinasakyan ng grupo ni Salinas, natagpuan sa bagaheng pag-aari umano ni Salinas ang umabot sa $335,000 US at may kasama pang 9,000 AUD (Australian dollars). Ito ay matapos ang inspeksyon na nakatago sa mga medyas sa loob ng kanyang bagahe ngunit halagang $40,000 US at P1,000 lamang ang inideklara ni Salinas sa currency reporting form.
Nilabag umano ni Salinas ang Title 31, Section 5332 ng United States Code nang tangkain nitong ipuslit ang higit sa $10,000 US currency reporting requirement sa Honolulu International Airport.
February 13, nang inspeksyunin ng Customs and Border Inspection officers ang private jet na sinasakyan ni Salinas patungong Pilipinas.
Ang eroplano ay pag-aari ni Apolo Quiboloy na kasama rin ni Salinas ng araw na iyon. Agad pina-hold ang byahe ng private jet ni Quiboloy, pati na ang perang nakuha kay Salinas. Pinagtibay naman ni Hawaii State Judge Richard Pugliso ang reklamo.
Sa ngayon ay nakalaya si Salinas dahil nakapagpyansa ito ng halagang $25,000 US. Sa February 27 ay nakatakdang isagawa ang preliminary hearing sa kaso ni Salinas.
( Sonny Cos / UNTV Correspondent )
Tags: Apolo Quiboloy, bulk cash smuggling, Felina Salinas, US