DOH: Trangkaso, pwedeng ikamatay ang kumplikasyon kapag napabayaan

by Jeck Deocampo | February 1, 2019 (Friday) | 3625

METRO MANILA, Philippines – Nagpaalala ang Department of Health (DOH) na huwag balewalain ang influenza o trangkaso dahil maaari itong mauwi sa komplikasyon at posibleng ikamatay kapag napabayaan.

Inaasahan na hanggang Pebrero pa maaaring maranasan ang malamig na panahon dulot ng Hanging Amihan ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (PAG-ASA).

Ayon sa DOH, pangkaraniwan ang pagdami ng nagkakaroon ng ubo, sipon at trangkaso dahil sa malamig na panahon. Tinatawag itong ‘flu season’ na nag-uumpisa ng Oktubre hanggang Pebrero.

Paliwanag ng tagapagsalita ng DOH na si Usec. Eric Domingo, “Binabantayan natin kung ano iyong strain at talagang by middle of the year nagbabakuna na tayo. Sa Pilipinas, ang peak lang talaga ng flu-like illnesses (ay) itong panahon ng malamig. Maaari siyang mauwi sa pneumonia at of course maaaring in the end, makamatay.”

Payo ng Kagawaran ng Kalusugan sa publiko, panatilihing malakas ang resistensya ng katawan. Ugaliing uminom ng vitamin C, orange juice at anim hanggang walong baso ng tubig araw-araw. Matulog ng anim hanggang walong oras bawat araw, regular na mag-ehersisyo at kumain ng prutas at gulay. Magsuot ng face mask lalo na sa matataong lugar o kapag bumibiyahe upang maiwasang makasagap ng flu virus at maiwasang makahawa kung ikaw naman ang may ubo at sipon.

Sa datos ng DOH, mas kaunti ang mga kaso ng trangkaso sa bansa ngayong taon kumpara sa mga nagdaang taon. Ayon sa World Health Organization (WHO), nananatiling isa ang sakit na ito sa mga banta sa kalusugan ng mundo ngayong taon.

Paalala pa ng Kagawaran sa mga magulang, kompletuhin ang flu vaccine ng kanilang mga anak. May libreng bakuna naman laban sa trangkaso para sa mga senior citizen sa mga DOH-retained hospitals at barangay health stations.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: , , , , , ,