DOH, ibinaba sa 6 buwan ang edad na dapat mabakunahan kontra tigdas

by Jeck Deocampo | February 14, 2019 (Thursday) | 8209

METRO MANILA, Philippines – Nagpasya ang Department of Health (DOH) na ibaba sa anim na buwang gulang mula sa dating siyam na buwan ang pagbibigay ng unang shot ng bakuna kontra tigdas dahil sa measles outbreak.

Ito’y upang agad na maagapan ang komplikasyon na posibleng idulot nito kapag dumapo sa mga sanggol.

Paliwanag ng Philippine Pediatric Society (PPS), importante na mabigyan ng dalawang dose ng anti-measles vaccine ang mga bata. Pero upang mas makasiguro, ayon kay Dr. Salvacion Gatchalian, presidente ng PPS, makabubuti rin kung kukumpletuhin na ang tatlong shot ng bakuna kontra tigdas.

“Kinakailangan na meron kang at least two doses after one year of age. So, kailangan kapag nabigyan ka at nine months meron kang second dose at 12 to 15 months of age. ‘Yung pangatlo pwede mong ibigay at 4 years of age or kunwari ngayon may outbreak, pwede mo nang ibigay anytime as long as ang interval ay four weeks after the last vaccination,” aniya.

Bukod sa mga bata, importante rin na mabakunahan ang mga buntis dahil lubhang delikado kung sakaling tamaan ng tigdas.

Ayon sa mga doktor, kapag dinapuan ng measles ang isang buntis na nasa first trimester pa lamang o unang tatlong buwan ay maaring makunan ito.

Sakali namang namang maitawid ang unang tatlong buwan ng pagbubuntis, maaari pa ring magkaroon ng komplikasyon ang sanggol matapos isilang.

Sa naunang deklarasyon ni Health Secretary Francisco Duque III, posibleng tumagal pa hanggang sa Marso ang measles outbreak.

Subalit ayon kay Dr. Nimfa Putong, isang infectious disease specialist mula sa San Lazaro Hospital, posibleng abutin pa ito hanggang sa Hunyo dahil lalo aniyang dumarami ang mga nagkakatigdas kapag summer.

“Painit ng painit ang klima, pataas din ng pataas ang ating cases ng measles. So, anticipatory na hanggang June pa nangyayari usually ang cases ng measles. So, we’ll have to see for this year kung ganun din po.”

Sa kabila ng ng outbreak, tiniyak ng DOH na mayroong sapat na suplay ng bakuna laban sa sakit na libreng makukuha ng ating mga kababayan sa mga health center at DOH-accredited hospitals.

Tags: , , , ,