De Lima, hiniling sa korte na maipasuri ang kanyang bukol sa atay

by Radyo La Verdad | March 6, 2018 (Tuesday) | 7583

Nagpapaalam sa korte si Sen. Leila De Lima na makalabas ng kulungan upang ipasuri ang natuklasang bukol sa kanyang atay.

Kahapon, dininig ni Judge Amelia Fabros-Corpuz ng Muntinlupa RTC Branch 205 ang kanyang mosyon na mabigyan ng medical furlough.

Paliwanag ng kanyang abogado, walang kapasidad ang PNP General Hospital at ibang mga pampublikong ospital na agarang masuri si De Lima, kayat nais sana nila itong dalhin sa isang pribadong ospital.

Kaya naman umanong matapos ang procedure ng isang oras lamang at babalik naman agad sa kulungan si De Lima.

Sagot din aniya ng senadora lahat ng gastos pati ng mga magbabantay sa kanya.

Hindi naman umano tutol dito ang prosecution, pero ito ay sa kondisyon na gawin ang pagsusuri sa pampublikong ospital.

Ayon kay Senior Assistant City Prosecutor Ramoncito Ocampo, patutunayan ng kanilang mga testigo na kaya itong gawin sa ilang ospital ng gobyerno.

Itutuloy ang pagdinig sa mosyon bukas ng umaga at posibleng magpasya na dito ang korte.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

Tags: ,