Daan-daang estudyante, nag-walk out sa kanilang mga paaralan vs sa umano’y diktadurya ni Pangulong Duterte

by Radyo La Verdad | February 2, 2018 (Friday) | 2806

Daan-daang estudyante mula sa ilang unibersidad sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa kabilang na ang University of the Philippines ang nag-walk out sa kanilang mga klase upang magsagawa ng kilos-protesta, ito ay bilang pagtutol umano sa diktadurya ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Hawak ang kanilang mga banner at placard ay isinisigaw ng mga ito habang nagmamartsa ang pagsusulong sa libreng edukasyon, press freedom at pagtutol sa charter change, martial law sa Mindanao at Tax Reform Acceleration and Inclusion o TRAIN Law.

Samantala, sa kanyang talumpati sa summit ng INDEGENOUS PEOPLE’S o IP Leaders Summit  Davao City, nagbanta si Pangulong Duterte sa mga iskolar ng bayan na patuloy umano ang pagsasagawa ng mga kilos-protesta. Bibigyan umano niya ang mga ito ng pribilehiyo na huwag pumasok ng isang taon.

Papalitan nya ang mga ito ng mga estudyante Lumad na nais ng de kalidad na edukasyon.

Ngunit ayon sa League of Filipino Students, hindi sila natatakot sa bantang ito ng Pangulo bagkus ay nanawagan sa mga estudyante na makilahok sa mas malaki umanong kilos-protesta na kanilang isasagawa sa February 23.

 

( Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,