DA at DTI, magtatakda na rin ng SRP sa manok at baboy

by Radyo La Verdad | October 9, 2018 (Tuesday) | 7944

Lalagdaan na ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) ang isang kasunduan hinggil sa pagtatakda ng suggested retail price (SRP) sa manok at baboy.

Ayon kay DTI Undersecretary for Consumer Protection Atty. Ruth Castelo, ang naturang hakbang ay alinsunod sa inilabas na Memorandum Order Number 26 ng Malacañang na layong maiayos ang presyo ng ilang aricultural product batay sa farm gate at retail price ng mga ito. Ibabatay ng DA at DTI ang SRP ng manok at baboy, depende sa farm gate price at profit margin.

Batay sa pinahuling monitoring ng DTI, nasa 75 piso ngayon ang farm gate price ng kada kilo ng manok. Kung idaragdag dito ang 50 piso na ipinapatong para sa dressing at traders fee, dapat anila ay nasa 125 piso lamang ang bentahan ng manok sa merkado.

Ang baboy naman na may farm gate price na 130 piso at patong na 70 piso para sa slaughtering at traders fee, dapat ay nasa 200 piso bawat kilo lamang na mabibili ng mga consumer.

Sa oras na maging epektibo ang SRP, pagmumultahin ng DTI at DA ang sinomang negosyante na magsasamantala sa presyo o profiteering.

Subalit hindi naman sang-ayon dito ang ilang mga nagtitinda na nakapanayam ng UNTV News Team.

Ang sinomang mahuhuling negosyante na magsasamantala sa presyo ng manok at baboy ay mahaharap sa reklamong paglabag sa price at Consumer Act. Papatawan ito ng multa mula 1,000 hanggang 2,000 piso ayon sa DTI.

Plano ng DA at DTI na ilabas ang SRP ng manok kada tatlong araw, habang linggo-linggo naman ang sistema para sa presyo ng baboy.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,