Maaaring maharap sa maraming problema ang Commission on Elections kapag ipinatupad ang pag-iimprenta ng voter’s receipt.
Kabilang sa mga ito ay kung paano mapipigilan ang paglalabas ng resibo sa presinto upang hindi ito magamit sa pagbebenta ng boto.
Isa sa plano ng Comelec ay ang maglagay ng box kung saan maaaring ipasok ng mga botante ang resibo pagkatapos nila itong rebyuhin o basahin.
Aminado naman si Comelec Chairman Andres Bautista na sa ngayon walang batas na mapanghahawakan ang poll body upang paruhasan ang mga magpupuslit ng resibo.
Isa pa sa dagdag na problemang nakikita ng Comelec sa pag iisyu ng resibo ay ang pangangailangan ng dagdag na Board of Election Inspector sa bawat presinto.
Dagdag sa hamong haharapin ng Comelec bago ang halalan kapag mag iisyu ng voter’s receipt ay ang pagre-configure sa source code ng mga Vote Counting Machines.
Ayon kay Bautista bukod sa pagpapagana sa feature ng VCM na mag imprenta ng resibo, kailangang din ang pag rebisa sa source code upang malagyan ng security feature ang voter’s receipt.
Samantala ngayon lunes ay pinulong ng Comelec ang mga miyembro ng Comelec Advisory Council upang kunin ang kanilang payo sa gagawing adjustment sa timeline kasunod ng desisyon ng SC na mag imprenta ng voter’s receipt.
Pinulong din ng Comelec ang political parties upang mailatag ang kasalukuyang sitwasyon ng paghahanda ng Comelec sa halalan.
Isa sa ipinakitang posibleng maging problema sa mismong araw ng eleksyon ay ang paulit ulit na pag reboot sa mga VCM kapag mali ang pagkuha ng mga botante sa resibo na makakadagdag sa delay ng voting process dahil 5 hanggang 7 minuto tumatagal ang rebooting sa mga makina.
Para sa poll body kung hindi babaguhin ng Korte Suprema ang naunang desisyon at itutuloy ang pag iimprenta ng voter’s receipt posibleng ipagpaliban na lamang ang eleksyon upang mas makapaghanda ang Comelec.
Subalit ayon sa pinuno ng Comelec mangangailangan din ng bagong batas mula sa Kongreso para dito.
(Victor Cosare/UNTV NEWS)
Tags: Comelec Chairman Andres Bautista, Commission on Elections