Chinese Foreign Minister, bumisita sa bansa

by Radyo La Verdad | November 10, 2015 (Tuesday) | 5035

WANG-YI
Nakumpirma na kahapon na dadalo si Chinese President Xi Jinping sa APEC Summit sa susunod na linggo.

Ngayong araw naman, dumating sa bansa ang pinakamataas na opisyal ng Chinese Foreign Affairs.

Unang nagtungo si Chinese Foreign Minister Wang Yi sa Department of Foreign Affairs at nag-courtesy call kay Secretary Albert del Rosario.

Matapos ang pakikipag-usap kay Secretary del Rosario ay nagtungo na sa Malacanang ang Chinese Foreign Minister at sinalubong siya ni pangulong Benigno Aquino the third at iba pang miyembro ng gabinete.

Nasa isang araw na working visit si Foreign Minister Wang sa imbitasyon ni Secretary del Rosario.

Ayon kay DFA Spokesperson Charles Jose, napag-usapan nina del Rosario at Wang ang tungkol sa seguridad ng mga dadalo sa APEC Summit kabilang na ang pangulo ng china na si Xi Jinping.

Nagpakaksunduan rin ng dalawa na huwag pag-usapan sa APEC Summit ang issue sa West Philippine Sea dahil isa itong regional issue at maaring makaaapekto sa kaso na naihain na sa U-N Arbitral Tribunal.

Ayon kay Jose, pag-uusapan ang West Philippine issue sa ASEAN Summit.

Sinabi rin ni Jose na wala pang kumpirmasyon kung magkakaroon ng bilateral meeting sina Pangulong Aquino at Chinese President sa APEC Summit.

Huling nagkaroon ng bilateral meeting ang dalawang bansa noong 2013.

Siniguro naman ng Malacanang kay Foreign Minister Wang na bilang host ng APEC Summit ibibigay ng bansa ang mainit na pagtanggap sa mga delegado mula sa China. (Darlene Basingan/UNTV News)

Tags: , , ,