Bidding sa magiging technical service provider sa halalan, dapat bukas sa lahat ng may global experience -PPCRV

by Erika Endraca | May 16, 2019 (Thursday) | 6371

Manila, Philippines – Aminado ang Comission on Election (COMELEC) tumaas ang bilang ng naranasang problema sa vote counting machines sa katatapos lang na botohan kung ikukumpara sa mga nagdaang eleksyon.

Noong 2016 Presidential Elections umabot lamang sa 188 ang naitalang technical glitch, pero nitong Lunes, pumalya ang higit 900 makinang ginamit sa pagbilang ng boto.

Bukod dito, higit 1,900 sd cards ang nagkaproblema sa mismong araw ng eleksyon

Ayon sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) dapat maging bukas sa lahat ng may malalim na kasanayang teknikal ang comelec sakaling kukuha ng susunod na service provider para maiwasan na ang mga ganitong aberya.

“I think it’s better that more tech experts are part of the bidding process para talagang matanong lahat ng dapat itanong bago mag award”  ani  PPCRV Chairperson, Myla Villanueva.

Ayon kay senador Koko Pimentel iimbestigahan ng  joint congressional oversight commitee on the Automated Election System ang nangyaring aberya sa halalan.

“I have already coordinated with the house panel chair Cong. Sherwin Tugna and we have set the schedule on June 4” ani Sen. Koko Pimentel.

Kasama sa itatanong ng senador sa comelec kung dumaan sa tamang pagsusuri ang mga makinang ginamit sa halalan.

“What happened? Maybe the standards and the tests were too low or the persons that were certifying the tests are too arbitrary or untrained or ignorant so tanungin natin lahat iyan” ani Sen. Koko Pimentel .

Paliwanag ng comelec, dumaan sa kanilang pagsusuri ang mga makinang ginamit sa eleksyon pero ito na ang ikaapat na automated elections sa bansa, nananatiling palaisipan pa sa taumbayan kung bakit paulit ulit na lang o bakit lalo pang lumala ang aberya.

(Mai Bermudez | Untv News)

Tags: , , ,