METRO MANILA – Inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-International Airport Investigation Division (NBI-IAID) sa NAIA Terminal 1 ang babaeng gumamit ng pasaporteng nakapangalan kay Elsa Cornello Saladili.
Kinilala ni NBI Officer-In-Charge (OIC) Eric B. Distor ang naaresto na si Bainisin Pulna na patungo sanang Saudi Arabia noong Abril 16 via Gulf Air Flight.
Batay sa ginawang imbestigasyon ng mga opisyal ng Immigration, taliwas sa mga dokumento ni Pulna ang sinabi nitong edad at hanap-buhay ng kaniyang ama.
Pinabulaanan din ng mga opisyal ang salaysay ni Pulna na ito ang una niyang pangingibang-bayan matapos malamang umalis at nakabalik na sa bansa si Elsa Cornello Saladili.
Sumailalim sa inquest proceedings si Pulna sa Pasay City Prosecutor’s Office dahil sa paglabag sa Section 19 (d) (1) of R.A. 8239 o Philippine Passport Act of 1996.
(Rhuss Egano | La Verdad Correspondent)