Awit na likha ng ASOP Year 5 interpreter na “Dahil sa Iyo”, itinanghal na Song of the Year ng ASOP Year 6

by Radyo La Verdad | November 14, 2017 (Tuesday) | 12170

Muling ipinagdiwang ang Original Pilipino Praise Music sa “A Song of Praise” o ASOP Year 6 Grand Finals kagabi. Napuno ng himig ng papuri ang Smart Araneta Coliseum ng mga orihinal na komposisyon na nagpapahayag ng pagpapasalamat at pagkilala sa kabutihan ng Maykapal.

People’s choice ang awiting “Carry On” na komposisyon ng mga OFW sa Amerika na sina Nonie Ramos, Pa Atienza at Nino Cristobal na inawit ni Sam Mangubat.

Itinanghal naman na third runner-up na may cash prize na P100,000 ang awiting Hallelujah to the One ni Zion Aquino na inawit ni Gail Blanco. Second runner-up ang awiting Ikaw ang aking Dios ni Lorna Petrasanta at Liezel Garcia na tumanggap ng P150,000.

First runner-up naman ang Awiting You’re All I Need na komposisyon ni Jessan May Mirador sa interpretasyon ni Kris Angelica na nag-uwi ng cash prize na 250,000 pesos.

Samantala, ang Song of the Year para sa taong ito ay ang awiting “Dahil sa Iyo” na komposisyon ng ASOP Year 5 interpreter na si Carlo David, na inawit naman ni Philippine King of R&B, Jay-R na siya ring Best Interpreter ngayong taon. Sila ay tumanggap ng kalahating milyong piso.

Ayon sa bumuo ng konsepto ng ASOP na si BMPI-UNTV CEO Kuya Daniel Razon at Brother Eli Soriano ng Members Church of God International, sa loob ng anim na taon ay naging daan ang ASOP upang mapatibay ang pananampalataya sa Dios ng mga sumasali.

Ang “A Song of Praise Music Festival” ang nag-iisang praise songwriting competition sa Pilipinas. Mula noong 2011 ay nakapag-produce na ito ng daan-daang awit ng papuri sa Panginoon sa iba’t-ibang genre.

Ang kumpetisyon ay pumasok na sa ikapitong taon nito at bukas sa mga professional at amateur songwriters.

 

( Leslie Longboen / UNTV Correspondent )

Tags: , ,