ASec. Mocha Uson, binigyan ng memo dahil sa “pepedederalismo” video

by Jeck Deocampo | September 7, 2018 (Friday) | 8122
PCOO ASec. Mocha Uson at ang blogger na si Drew Olivar

 

METRO MANILA – Tiniyak ng Office of the Presidential Communications Office (PCOO) na hindi nila ipinagwawalang-bahala ang mga maling ginagawa umano ni Assistant Secretary Margaux “Mocha” Uson.

 

Kinumpirma kahapon ni PCOO Assisstant Secretary Marie Banaag na sa kauna-unahang pagkakataon ay binigyan nila ng memo si ASec. Uson. Ito ay kaugnay ng kontrobersyal na federalism video na in-upload nito sa social media. Pinaalalahanan din umano nila si Asec. Uson na maging ma-ingat sa kanyang mga ginagawa.

 

“Nag-issue ng memorandum kay ASec. Mocha Uson to remind her doon sa lahat ng pino-post niya and to remind her din doon sa provision ng RA 6713, the norms and conduct of public officials and employees especially on professionalism,” sabi ni ASec. Banaag.

 

Dagdag pa ni PCOO Undersecretary Marvin Gatpayat na pinagpaliwanag din nila si ASec. Uson matapos makatanggap ng reklamo sa national public service hotline, 888.

 

Nagsagawa rin sila ng fact-finding investigation at ito ay kanilang sinumite sa Office of the Executive Secretary.

 

“Dahil si ASec. Mocha ay isang presidential appointee, ang may administrative jurisdiction over ASEc. Mocha ay yung Office of the President,” ani ni USec. Gatpayat.

 

Sa kasagsagan ng budget briefing sa Kamara, kinuwestiyon naman ni Bayan Muna partylist representative Carlos Zarate ang pagsama ni Uson sa halos lahat ng biyahe ng Pangulo.

 

“Part ba talaga sa function niya ‘yung umiikot, sumasabay sa lahat ng lakad ng Presidente?” tanong ni Rep. Zarate.

 

“’Yung mga biyahe po ni Presidente na kasama si ASec. Mocha, siya po ay ni re-request ng Office of the President to join the trip,” ayon kay PCOO Secretary Martin Andanar.

 

Samantala, kasalukuyan pang kinukuha ng UNTV News ang panig ni ASec. Mocha Uson sa isyung ito.

 

Tags: , , , ,