45 barangay sa San Miguel at Calumpit, Bulacan binaha dahil sa epekto ng bagyong Lando

by Radyo La Verdad | October 19, 2015 (Monday) | 2578

nestor_baha
Tatlumpu’t limang barangay sa San Miguel Bulacan ang binaha dahil sa pag-ulan at humugos na tubig mula sa Nueva Ecija bunsod ng bagyong Lando.

Sa ulat ni San Miguel Mayor Roderick Tiongson, umabot ng dalawa hanggang apat na talampakan ang baha sa barangay Maligaya, Barias,Pulong Duhat,King Kabayo,Baritan,Pinambaran,Buga,Salacot,Ilog Bulo,Mandile,Batasan Bata at Matanda,San Agustin, San Vicente Poblacion at Tigpalas.

Nasa pitumpung pamilya o katumbas ng 350 indibidwal ang nanunuluyan ngayon sa evacuation center sa barangay San Jose Old PNR station sa palengke habang hinihintay ang tuluyang paghupa ng baha ngayong gumaganda na ang lagay ng panahon.

Samantala, sampung barangay naman sa Calumpit, Bulacan ang binaha dala ng ulan at tubig na pinakawalan mula sa Bustos at Ipo dam.

Ayon sa Felicisima Liz Mungcal PDRRMC head, hanggang tatlong talampakan ang baha sa bahagi ng Sapang bayan, Gatbuca habang isa hanggang dalawang talampakan naman sa barangay Frances, Meysulao at San Miguel pati na sa Bulusan, Sta Lucia,Calizon, Balungao,Sucol.

Baha narin sa barangay San Juan at Bagong Barrio na bahagi ng bayan ng Balagtas.

Ngayong araw ay nakatakda namang mamahagi ang lokal na pamahalaan ng relief goods, gaya ng tubig at pagkain, sa mga naapektuhan ng bagyo na umaabot sa mahigit apat na libo at limandaang indibidwal.

Samantala, sa ngayon ay itinigil na ng Bustos at Ipo dam ang pagpapakawala ng tubig.

As of 8 am, nasa 17.48 meters na lamang ang Bustos dam mula sa spiling level na 17.70 meters; ang Ipo dam ay nasa 100.72 meters naman mula sa 101 meter-spilling level habang ang Angat dam ay nasa umakyat na sa 201.25 meters ang antas ng tubig na malayo pa sa spilling level na 210 meters.(Nestor Torres/UNTV Correspondent)

Tags: , , ,