Mga hinihinalang kaso ng Zika virus infection, kinakailangang mai-report sa DOH sa loob ng 24 oras

by Radyo La Verdad | March 14, 2016 (Monday) | 17577

ZIKA
Mas hihigpitan pa ng Department of Health o DOH ang monitoring sa mga posibleng kaso ng Zika virus infection sa Pilipinas.

Sa press conference kanina ng DOH, sinabi ni Health Secretary Janette Garin na sa ngayon ay inilagay na sa category one classification Ng Philippine Integrated Disease Surveillance and Response System ang Zika virus dito sa bansa.

Kaya lahat ng mga suspected na kaso ng Zika virus ay kinakailangan na maipagbigay alam sa DOH-Epidemiology Bureau sa loob ng dalawamput apat na oras

Ayon sa DOH ang sistemang ito ay hindi na bago kung saan maging ang mga sakit tulad ng MersCov, ebola at H1N1 ay nasa ilalim rin ng category one.

Dahil dito, muling nanawagan sa publiko ang DOH, lalo na sa mga buntis na magingat sa kagat ng lamok at agad na magpa konsulta sa doktor, kapag mayroon ng mga sintomas gaya ng dalawang araw na lagnat, rashes, pamumula ng mga mata o conjunctivitis at pananakit ng katawan.

Sakaling may makitang sintomas sa isang pasyente ng mga sintomas, kailangang agad itong isasailalim sa Zika testing na available sa Research Institute For Tropical Medicine o RITM at iba pang mga ospital sa Visayas at Mindanao Region.

Sa oras na matapos ang testing, inaasahang ilalabas naman ang resulta ng pagsusuri sa loob ng isa hanggang dalawang araw.

Sa ngayon ay tinatayang nasa limang libong Zika testing kit ang available sa DOH.

Simula December 2015, nasa mahigit walong daang pasyente na ang sumailalim sa Zika testing,at lahat ng mga ito ay nag-negatibo sa virus.

Samantala sa darating naman na Biyernes isang Zika forum ang idaraos ng DOH kasama ang WHO, na inaasahang dadaluhan ng mga doktor, DOH Regional Directors at iba pang stakeholders.

Layon nito na mapag-usapan ang mga bagong impormasyon at mga pamamaraan kung papaano maiiwasan ang paglaganap ng Zika virus.

Muli namang nilinaw ng Department of Health na hanggang sa ngayon ay wala pang naitatalang kaso ng microcephaly sa Pilipinas na hinihinalang nagmula sa Zika virus infection, giit ng ahensya nanatiling under control ang sitwasyon kung kaya’t walang dahilan para magpanic ang publiko.

(Joan Nano/UNTV NEWS)

Tags: , ,