2 barangay sa Sta. Rosa Laguna, binaha matapos umapaw ang ilog malapit sa lugar

by Radyo La Verdad | December 16, 2015 (Wednesday) | 3526

SHERWIN_BAHA
Mabilis na tumaas ang level ng tubig sa ilog sa Salang bago bridge sa Sta.Rosa Laguna pasado alas otso kagabi bunsod nang tuloy-tuloy na pagbuhos ng ulan na dala ng bagyong nona.

Ayon sa mga residente sa barangay kanluran agad na bumaha sa kanilang lugar na umabot ng lampas tuhod.

Ngunit humupa din naman umano ito makalipas ang isang oras.

Kaya ang grupong ito na mga volunteer sa barangay nadatnan pa ng news team na naglilinis ng basketbal court matapos apawan ng tubig mula sa ilog.

Nadatnan din namin na nilalaro ang nasa labindalawang talampakan ng sawa na nahuli nilang lumalangoy sa tubig baha.

Agad umano nilang hinuli ang sawa upang huwag umanong makapaminsala lalo na sa mga bata.

Dadalhin nila ang sawa ngayong araw sa DENR Sta.Rosa.

Sa national highway ng Sta.Rosa naman makikita pa ang mga nagkalat na mga basura at putik na bakas nang pagapaw ng tubig.

Bukod sa barangay kanluran bumaha din sa kalsada sa barangay tagapo na umabot ng halos hanggang tuhod kaya umalalay na ang mga barangay official sa mga motorista kahit inabot na sila ng hating gabi.

Nakaalerto naman ang mga nagtitinda sa binan sa pagtaas ng tubig sa ilog sa kanilang lugar dahil sa posibleng maging epekto nito sa kanilang kabuhayan.

Ayon sa kanila kapag tumaas ang tubig sa ilog umaapaw din ang mga kanal sa paligid dahilan upang sila ay magsilikas at hindi na makapagtinda.

(Sherwin Culubong / UNTV Correspondent)

Tags: , , , ,